2 sikyu itinumba ng maninikwat
CANDELARIA, Quezon Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang dalawang security guard ng National Gas Corporation makaraang pasukin at looban ng mga maninikwat ang compound ng nasabing kompanya sa Barangay Malabanban Sur ng bayang ito kamakalawa ng madaling-araw. Bandang alas-4:20 ng madaling-araw nang matagpuan ang mga bangkay nina Mario Alinea, 29, ng Alvinville Subdivision at Jonathan Tapero, 31, ng Barangay Malabanban Sur na kapwa sikyu ng Banahaw Investigation and Security Agency. Ayon kay SPO1 Florentino Manalo, tangay ng mga maninikwat ang P150,000 kabilang na ang mga armas ng biktima na pinaniniwalaang isinagawa ang pagnanakaw sa pagitan ng ala-1 hanggang alas-2 ng madaling-araw. (Ulat nina Tony Sandoval at Celine Tutor)