Ito ang nabatid kahapon base sa isinumiteng imbestigasyon ni Police Regional Office (PRO) 4 Director P/Chief Supt. Jaime Karingal sa tanggapan ni PNP Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr.
Ayon kay Karingal, hindi maituturing na mga rebeldeng NPA ang dumukot sa mga biktima kundi isang organisadong sindikatong kriminal.
Kabilang sa mga kinidnap na biktima ay ang sinasabing pinsan ni Lina na si Mauro Lina, 34; PO3 Francisco Mercado, 38, ng Drug Enforcement Unit ng Makati Police; Rommel Uruga, 40; restaurant owner sa Makati City; Victoriano Maitim, 38, anak na lalaki ng big time taxi operator; Rowel Medel, 30; Fando Ramos, 40, na isa namang kilalang contractor at iba pa.
Ang mga biktima ay dinukot nitong nakalipas na Biyernes ng hatinggabi ng mga armadong kalalakihan na nagsagawa ng checkpoint sa Brgy. Balay Hangin, Calauan, Laguna.
Nadiskubre lamang ang insidente matapos na iulat sa mga awtoridad nang nakatakas na biktimang si Merlindo Cruz.
Nabatid na ang mga biktima ay lulan ng Tamaraw FX na di nakuha ang plaka at L300 van na may plakang TKL 271 patungong San Pablo City nang harangin at puwersahang tangayin ng mga suspek na armado ng malalakas na kalibre ng baril. Ang mga biktima ay isinakay sa Revo van na walang plaka.
Sinabi ng opisyal na imposibleng makapagsagawa ng checkpoint sa lugar ang mga rebeldeng komunista.
Ipinaliwanag pa nito na hindi rebel infested area ang nasabing lugar kayat malabo ang hinalang mga rebelde ang kumidnap sa mga biktima. Nagpapatuloy naman ang search and rescue operations upang ligtas na mabawi ang mga kinidnap. - (Ulat ni Joy Cantos)