Pulis na rumesponde pinatay
DARAGA, Albay Isang kagawad ng pulisya ang kumpirmadong napatay matapos na rumesponde sa nasaksihang krimen sa Barangay Ilawod II sa bayang ito kamakalawa ng gabi. Ang nasawing biktima na nakuha pang habulin ang killer kahit nasaksak sa tiyan ay nakilalang si PO1 Noel Salag, nakatalaga sa Camp Simeon Ola, Legazpi City. Kritikal naman ang kalagayan ng isa pang sibilyang si Porfelio Majarlino. Agad namang dinakip ng mga barangay tanod mula sa Busay at Binitayan ang suspek na si Carlos Alamo, 39, may asawa, walang trabaho at residente ng Barangay Binitayan. Base sa pagsisiyasat ng pulisya, naglalakad ang biktima nang mamataan ang nagaganap na krimen kaya agad itong rumesponde pero sinalubong siya ng saksak ng suspek na ikinasawi nito. (Ulat ni Ed Casulla)