Pulis todas sa rambol

BULACAN – Maagang kinalawit ni kamatayan ang isang kagawad ng pulisya makaraang rumesponde ang biktima sa mga nag-aamok na sundalo sa La Poblacion, Barangay Muzon, San Jose del Monte City, kamakalawa.

Tadtad ng bala ng baril ang katawan ng biktimang si PO3 Rocky Susano, samantala, pinipigil naman sa himpilan ng pulisya ang mga suspek na sina S/Sgt. Reynaldo Santos, 39, ng Phil. Army; Levy Bonoan, 47 ng Quezon City; Alexander Calibo, 22; Bembol Gregorio, 19, at Richel Cauran.

Tinutugis naman ng pulisya ang isa sa mga suspek na si Eric Santos na pinaniniwalaang sangkot din sa naganap na krimen.

Batay sa ulat, bandang alas-12 ng hatinggabi nang makatanggap ng tawag ang himpilan ng pulisya tungkol sa nag-aamok na mga sundalo.

Agad namang rumesponde ang biktima kasama ang dalawang sibilyan para payapain ang mga nag-aamok na suspek subalit sa halip na sumuko ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktima. (Ulat ni Efren Alcantara)

Show comments