Paslit tinusok ng barbecue stick sa leeg dahil sa F4

SURIGAO CITY – Dahil sa pagkanta ng kontrobersyal na awitin ng F4 ay tinusok sa leeg ang isang walong taong gulang na paslit ng nairitang 79-anyos na lolo sa Purok 4, Barangay Poblacion, Cagdianao, Surigao del Norte.

Ang biktimang ginagamot ngayon sa ospital ay nakilalang si Peter Tugay Guma, grade 3 sa Cabungaan Elementary School, samantala, itinatanggi naman ng suspek na si Ambrosio Lerog Petallo, alyas Mang Bosyo ang naganap na pangyayari.

Naitala ang pangyayari bandang alas-9:30 ng umaga noong Sabado sa nasabing barangay.

Base sa nakalap na impormasyon ng pulisya, nairita ang suspek sa kinakantang awiting F4 ng biktima kahit na hindi nito naiintindihan dahil pawang Intsik ang tema.

Dito na nakipagtalo ang matanda sa bata hanggang sa mairita sa ikinatwiran ng biktima na naging dahilan para tusukin siya ng barbecue stick sa leeg.

Nabatid pa na bago maganap ang pangyayari ay naringgan na ang suspek na tinutuligsa nito ang mga kumakanta ng kontrobersyal na awitin ng F4. (Ulat ni Ben Serrano)

Show comments