SULYAP BALITA

Pamilihang Bayan Sinunog?
DAET, Camarines Norte – aabot sa P10 milyong ari-arian ang tinupok ng apoy matapos na masunog ang pamilihang bayan ng Daet kahapon ng madaling-araw.

Naapektuhan ang may 190 tindahan na nadamay sa naganap na sunog bandang alas-12:30 ng madaling-araw.

Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na pangyayari at pinalalagay ng mga stall owner na sinunog ang naturang lugar dahil sa nakatakdang palitan ng bagong palengke sa darating na buwan. (Ulat ni Francis Elevado)
Cafgu Dinukot At Pinatay Ng Npa MALINAO, Albay –Isang 32-anyos na miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang iniulat na dinukot at pinaslang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang biktima ay natutulog sa sariling bahay na sakop ng Purok 7, Barangay Ogob sa bayang ito kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Danilo Capel, may asawa, samantala, aabot sa walong rebelde ang nagsitakas matapos na isagawa ang krimen.

Ayon sa pulisya, bago pa maganap ang pamamaslang ay pinagbabantaan na ang biktima na patatahimikin kapag hindi tumiwalag sa samahang CAFGU. (Ulat ni Ed Casulla)
Brgy. Chairman Itinumba Ng Kabarangay
RAGAY, Camarines Sur – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang barangay chairman ng kanyang kabarangay habang ang biktima ay nagroronda sa Barangay Lanipga sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Walang buhay na iniwan ang biktimang si Avelino Sarmiento, samantala, agad namang tumakas ang suspek na si Roel Iglip matapos isagawa ang krimen dakong alas-10 ng gabi.

Napag-alaman sa ulat ng pulisya, bago pa maganap ang pangyayari ay sinampahan ng kaso ng biktima ang suspek kaya ikinagalit nito hanggang bumagsak ang kalawit ni kamatayan. (Ulat ni Ed Casulla)
2 Wanted Sa Region 4 At 8 Timbog
CAMP CRAME – Dalawang most wanted sa Region 4 at 8 ang iniulat na nalambat ng pulisya sa magkahiwalay na bayan sa Palawan at Bulacan, ayon sa ulat kahapon.

Sa bisa ng warrant of arrest ni Judge Fanlo ng Regional Trial Court Branch 82 ng Odiongan, Romblon ay dinakip si Nicanor Evangelio na ika-9 na most wanted sa Region 4 sa Sitio Malubog, Barangay Canipaan, Rizal, Palawan.

Samantala, si Gerardo Jocson na may patong sa ulo na P70,000 ay nalambat sa San Jose del Monte, Bulacan sa bisa ng warrant of arrest ni Judge Nicomedes Topas ng 13th Municipal Trial Court sa MacArthur, Leyte. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments