Ang bangkay ni PMA Cadet Mary Rose C. Nabong, 21, ng Purok 4, Guindapunan, Catbalogan, Samar ay natagpuan sa labindalawang talampakang lalim ng swimming pool ng kanyang mga kasamahang kadete matapos na maalarma sa hindi nito pagbalik sa barracks.
Si Nabong ay kabilang sa 24 babaeng kadete na malugod na tinanggap ng mga PMA First Class Cadet sa ginanap na recogniton rites noong Sabado.
Sinabi ni Marine Major Edgard Arevalo, PMA spokesperson, si Nabong na kabilang sa Foxtrot company ay kasama sa 34 kadeteng manlalangoy na nagsanay sa naturang swimming pool at walang ibinigay na palugit na oras kaya maaaring umahon ang bawat isa.
Bandang alas-5:10 ng hapon nang hindi bumalik si Nabong sa kanilang barrack kaya naman pinagtulungang hanapin ang biktima sa bisinidad ng naturang lugar hanggang sa matagpuang nakalutang sa swimming pool ang parehas na sapatos na goma at ang uniporme na nasa gilid ng pool.
Agad na nagtalunan sa swimming pool ang mga kasamahang manlalangoy ni Nabong hanggang sa mamataang ang katawan ng babaeng kadete.
Sinikap na bigyan nang paunang-lunas ng mga kadete ang biktima kasabay na isinugod sa Fort Del Pilar Station Hospital para maisalba ang buhay ni Nabong hanggang sa idineklarang patay bandang alas-6:20 ng gabi ng Lunes. (Ulat nina Artemio Dumalo at Joy Cantos)