Ang pagkakadiskubre sa pangyayari ay matapos na dumulog sa himpilan ng Caraga police ang nakatakas na bihag na si Josephine Valenzuela, 29, para ipaabot na dinukot ang tatlong inhenyero at dalawang babae.
Ayon sa ulat, si Valenzuela ay nakatakas sa kamay ng mga kidnaper matapos na tulungan ng isa sa mga babaeng bihag dahil sa siya ay buntis.
Agad namang inatasan ni P/Chief Supt. Alberto Rama Olario, Caraga police director ang mga elemento ng Task Force Racer para tugisin ang mga kidnaper.
Sinabi ni Olario na nagpadala na ng mensahe ang mga kidnaper sa mga pamilya ng biktima para humingi ng ransom pero hindi dinetalye ang halaga.
Pero nabatid sa source na aabot sa P5 milyon ransom ang hinihingi ng mga kidnaper para sa kalayaan ng mga bihag.
Sa pahayag ni Valenzuela, patungo siya sa Maynila mula Davao sakay ng pampasaherong bus noong Agosto 21, at sa hindi inaaasahang pagkakataon ay pinalipat sila sa ibang bus na patungo sa Liloan, Leyte matapos na makarating sa Tacloban City.
Habang bumabagtas sa kahabaan ng Surigao City ay hinarang na sila ng mga naka-fatigue na armadong kalalakihan at agad na binihag ang grupo ni Valenzuela pero sa tulong ng isang babae ay nagawa niyang tumakas. (Ulat ni Ben Serrano)