Base sa impormasyong nakalap ng PSN sa mapagkakatiwalaang source, may tatlong linggo nang nagsasagawa ng bolahan ng jueteng sa Cavite na ang ibinibigay na protection money sa buong kapulisan ng nasabing lalawigan ay aabot sa P1.4 milyon kada buwan.
Nabatid na ang tumatayong jueteng lord sa Cavite ay kapatid na lalaki ng isang mataas na opisyal ng PNP Region 4 kaya naman hindi maaaring salagin kahit na ng mga tauhan ng Task Force Jericho ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon pa sa source, tuwing Biyernes ng gabi ay dinadala ng dalawang alalay ng jueteng lord ang malaking halaga sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus, Cavite.
Mismong sa opisyal ng police intelligence unit na nakabase sa naturang kampo ibinibigay ang nasabing halaga at ipinamamahagi naman sa lahat ng hepe ng pulisya sa Cavite sa tuwing magpapatawag ng command conference.
Napag-alaman pa na P500 kada pulis-Cavite ang inilaan ng jueteng lord at aabot naman sa P7,000 kada linggo ang nakalaan sa mga pulis na nakatalaga sa Camp Pantaleon Garcia bilang panggastos sa pagkain. (Ulat ni Mario D. Basco)