Mag-utol tinodas nang mag-ama

BALANGA CITY, Bataan – Pinaniniwalaang lumang alitan ang naging ugat para pagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang mag-utol na lalaki ng kanilang tiyuhin at pinsan habang magkasamang nag-iinuman ng alak sa Barangay Tenejero sa lungsod na ito noong Martes.

Idineklarang patay sa Bataan General Hospital ang mga biktimang sina Renato Bantog, 31, at Lorenzo Bantog, 37, kapwa traysikel drayber at residente ng nasabing barangay.

Agad namang tumakas ang mga suspek na nakilalang sina Arturo Bantog Sr. at anak nitong si Arturo Bantog Jr.

Base sa ulat ng pulisya, magkakasamang nag-iinuman ng alak ang apat nang maungkat ang lumang alitan.

Nairita ang mag-amang Bantog kay Lorenzo dahil sa inungkat pa nito ang pagkakasuntok sa batang Bantog.

Dahil sa lango na sa alak ang mag-ama kaya pinagtulungang saksakin ang mag-utol na ikinasawi ng dalawa.

Pormal na sasampahan ng kaukulang kaso ang mag-ama dahil sa naganap na pamamaslang.(Ulat ni Raffy Viray)

Show comments