Nanadyak ng aso kinatay

RODRIGUEZ, Rizal Pinagtulungang saksakin at tagain hanggang sa mapatay ang isang driver ng apat na magkakapatid makaraang tadyakan ng biktima ang alagang aso ng huli sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal kamakalawa ng gabi.

Animo’y kinatay na hayop ang katawan ng biktimang si Arnold Plamiano, 26; samantalang dalawa sa apat na mag-utol na ngayon ay naghihimas ng rehas na bakal ay nakilalang sina Michael Torres, 19; Edgar Torres, 36, na pawang kapitbahay ng biktima.

Napag-alaman na si Plamiano ay hinabol ng asong alaga ng mga suspek at dahil sa nakagat ay nagawang tadyakan nito ang hayop kaya nagalit ang magkakapatid matapos na makita ang pangyayari.

Kinompronta ng mga suspek na lango sa alak ang biktima hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pamamaslang. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments