Ang suspek na si Usman Abdul Malic ng Tugaya, Lanao del Sur ay nagmamaneho ng sasakyang Crosswind na may plakang XGX-634 kasama ang kanyang pamilya nang parahin ng pulisya sa checkpoint.
Ayon kay P/Chief Insp. Leony Roy Ga, hepe ng pulisya sa lungsod na ito na habang nirerekisa ng mga tauhan ng Provincial Regional Mobile Group (PRMG) ay napansin ang itim na bag na nakalagay sa reserbang gulong.
Ayon sa pulisya, ang itim na bag ay naglalaman ng 60 40mm granada para sa M203 launcher kaya agad na inaresto si Malic pero itinanggi nito na kanya ang naturang bag.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Malic na isang nagngangalang Nasser mula sa Marawi City na nakilala niya sa Cagayan de Oro City mall ang nakiusap sa kanya na dalhin ang bag sa Marawi City.
Inaalam ng pulisya kung pag-aari ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 60 granada.
Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban kay Malic. (Ulat ni Lino Dela Cruz)