Konsehal nanikwat ng condom pinaghubad

SAN JOSE CITY, Nueva Ecija – Isang konsehal ng lungsod na inakalang nanikwat ng condom sa malaking supermarket ang pinaghubad ng dalawang security guard sa harap mismo ng kanilang manager.

Kahit nagpakilalang konsehal ng San Jose City si Benjamin "Jojo" O. Salvador Jr. at hindi niya ginawang manikwat ng condom ay kinapkapan pa rin siya ng mga security guard na sina Benjie Mamaed at Judy Fariñas.

Ayon kay Salvador Jr., hindi pa nasiyahan ang dalawang sikyu ay pinilit siyang paghubarin ng damit sa harap mismo ng manager na si Henry Cabreros ng CVC Supermarket para makita ang sinikwat na condom.

Dahil sa kahihiyang sinapit ni Salvador Jr. ay ipinatawag ng Sangguniang Panglungsod sa pangunguna ni San Jose City Vice Mayor Wilfredo Munsayac ang tatlo para magpaliwanag.

Nagpalabas din ng resolusyon ang Sangguniang Panglungsod na ideklarang persona non grata ang tatlong tauhan ng CVC Supermarket dahil na rin sa pagpapalabas ng lathain laban sa nasabing konsehal. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments