Tatlo sa kawal na ngayon ay ginagamot sa AFP Westcom Hospital ay nakilalang sina Air Force 2nd Class Rolando Tiu, Lt. Norman Alinsangan at ang pilotong si Capt. Gaudencio Lauron.
Ayon kay Major Restituto Padilla, tagapagsalita ng PAF, sa pagitan ng alas-7:15 hanggang alas-9:30 ng umaga nang magsasagawa ng routine mission ang chopper ng mga biktima sa taas na 3,000 talampakan nang biglang hampasin ng malakas na hangin ang katawan ng helicopter.
Pinilit ng pilotong si Lt. Lauron na mailapag ang chopper pero nawalan ng control kaya tuluy-tuloy na bumulusok sa makahoy na bahagi ng kagubatan.
Hindi naman nagtagal ay agad na nagresponde ang mga tauhan ng 570th Composite Tactical Wing ng PAF sa ilalim ni Brig. Gen. Edwin Galzote na nakabase sa Mt. Salakot kaya nailigtas naman ang mga biktima sa tiyak na kamatayan.
Inatasan naman ni Major Padilla sina PAF chief Lt. Nestor Santillan at Col. Roy Devenaturda, hepe ng Air Safety Office para magsagawa ng imbestigasyon kasunod na sinabing hindi na kinakailangan pang ipatigil ang paglipad ng ibang chopper dahil hindi naman mekanikal ang sanhi nang pagbagsak ng nasabing panghimpapawid na sasakyan. (Ulat nina Butch Quejada at Joy Cantos)