Pulis patay sa ambush

URDANETA CITY – Tinambangan at napatay ang isang pulis ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang ang biktima ay nagmomotorsiklo sa kahabaan ng Barangay San Vicente West sa lungsod na ito kamakalawa ng umaga.

Ang biktimang nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang si PO3 Mateo Salvador Jr. ng Barangay Mabanogbog, Urdaneta City.

Sa ulat ng pulisya, hinarang ng mga armadong kalalakihan ang minamanehong scooter ng biktima bago sunud-sunod na pinaputukan.

Palakad na tumakas ang mga killer na animo’y walang naganap na krimen, ayon sa ilang nakasaksi sa pangyayari. Kasalukuyan pang inaalam ang motibo ng krimen. (Ulat ni Eva Visperas)

Show comments