Ayon kay Amadeo Dulay, faculty member ng nasabing paaralan, naging bayolente sa ngayon ang mga estudyanteng sinasapian kumpara sa nakaraan kung kayat labis nilang pinangangambahan ang posibleng maging epekto nito sa mga mag-aaral.
Kung sa nakaraang pag-atake ng mga masasamang espiritu noong Hulyo 13, taong kasalukuyan ay hinihimatay, umiiyak at matatalim lang ang tingin ng mga estudyanteng nasasapian, ngayon ay nananakit na ang mga ito, nambabato, namamalo kabilang na ang panghahabol sa kanilang mga kamag-aral at mga guro.
Ayon sa panayam ng PSN kahapon kay Aling Loring, kilalang albularyo na nagsagawa ng ritwal noong unang umatake ang mga masasamang espiritu hindi na siya umano nagtaka nang maulit ito dahil sa marami ang kumontra sa kanyang isinagawang ritwal.
Sinisi niya ang ilan sa mga guro na hindi nagbukas ng kanilang silid-aralan upang mabasbasan ng mga pari at mapatakan ng dugo ng kanilang kinatay na baboy ayon sa kahilingan ng mga espiritu, ikinagalit din ng albularyo ang mga usisero na hindi naniniwala sa paraan ng kanilang pagtataboy sa mga espiritu lalo na nang nakawin nila ang kinatay na manok na kanilang inialay sa mga espiritu.
Iginiit ni Aling Loring na suko na siya sa pagpapalayas sa mga masasamang espiritu na bumubulabog ngayon sa mga estudyante habang may mga kumokontra sa kanilang pamamaraan ay walang bisa o kabuluhan ang kanilang ritwal na pakikipag-usap sa mga ito.(Ulat ni Victor P. Martin)