108 tauhan ng Nur Misuari Renegade Group sumuko

CAMP SIONGCO, Maguindanao – Nagbalik-loob sa pamahalaan ang may 108 tauhan ng nakabilanggong chairman ng Moro National Liberation Front (MNLF) na si Nur Misuari at isinuko ng mga ito ang kanilang matataas na kalibre ng baril sa Philippine Army 6th Infantry Division matapos ang tatlong taong pagtatago at pakikipagsabwatan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa nasabing lalawigan.

Isinuko ng grupo sa pangunguna ni Commander Abdulkadir Mindo ang humigit kumulang na isandaang mataas na kalibre ng baril kasama na rito ang shoulder-fired M-79 grenade projectiles sa kampo ng 6th Infantry Division Headquarters.

Nagsimulang mag-underground ang mga tauhan ni Mindo noong taong 2001 matapos mapatalsik sa puwesto bilang gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) si Nur Misuari.

Simula noon, sila ay nagpalipat-lipat ng lugar at naging target ng 6th Infantry Division dahil sa kanilang unit na Nur Misuari Renegade Group.

Sinabi ni Mindo na nagsasawa na sila sa paghahabol sa kanila ng mga awtoridad kaya’t nagpasiya silang kusang loob na sumuko sa pamahalaan sa pagsusumikap nina Major Gen. Generoso Senga at Captain Samier Bakuludan,chief divisions ng Sallam (peace) Unit.

Tinanggap ng grupo ni Mindo mula kina Senga at Bakuludan ang halagang P 267,500 bilang kapalit sa pagsuko ng kanilang mga armas.

Noon pang nakalipas na taon ay gumagawa na ng paraan si Senga at kanyang mga tauhan na karamihan ay mga Muslim para sa pagsuko ng mga rebeldeng grupo sa Gitnang Mindanao at ang karamihan dito ay mga MILF special operation group na nagsasagawa ng pambobomba.(Ulat ni John Unson)

Show comments