3 Holdaper Inaresto

LUCENA CITY – Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng holdapan sa Region 4 ang inaresto ng mga kagawad ng pulis-Lucena sa pakikipagtulungan ng intelligence unit ng Southern Luzon Command habang ang tatlo ay nagpapahinga sa gasolinahang sakop ng Barangay Domoit sa lungsod na ito kamakalawa ng hapon.

Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Camilo Jamias, 23; Vicente Baguiwan, 31 at Anthony Nanog, 30 na pawang residente ng Kalinga, Apayao.

Sinabi ni P/Senior Superintendent Federico Terte, Quezon police director, si Baguiwan ay may mga nakabinbing kaso ng kidnapping, illegal possession of firearms at serious illegal detention sa Tabuk Regional Trial Court Branch 25 sa Kalinga, Apayao.

Bago nadakip ang mga suspek ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na may kahina-hinalang ikinikilos ang mga hindi kilalang lalaki na nagpapahinga sa nakaparadang van (AHD-293) sa gasolinahan.

Agad namang tinungo ng mga awtoridad ang nasabing lugar kaya nadakip ang tatlo, kasabay na nakumpiska ang apat na malalakas na kalibre ng baril, 3 cellphones, mga alahas at halagang P3,450.

Positibo namang kinilala ni Atty. Clemente Alcala, ang tatlo na nanloob sa kanyang bahay sa Barangay Wakas, Tayabas, Quezon noong Hunyo 22, 2003. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments