6-katao timbog sa droga

Anim-katao kabilang na ang dalawang estudyante ng high school ang iniulat na nalambat ng mga awtoridad makaraang maaktuhan sa shabu session at nagpapakalat ng droga sa magkahiwalay na lalawigan kamakalawa.

Kinilala ang apat na suspek na sina Chito Medina, 47, ng Barangay Malagasang, Imus, Cavite; Antonio Espiritu, 36, ng 3155 Evangelista St. Camposanto, Bacoor, Cavite; Ferdinand Upo, ng Barangay Biga, Silang, Cavite at Elizabeth de Vera, ng Barangay Sampalok, Dasmariñas, Cavite.

Samantala, ang dalawang estudyante na residente ng Barangay Salvacion, Daraga, Albay at Libmanan, Camarines Sur at mag-aaral ng Malabog National High School ay hindi binanggit ang mga pangalan dahil sa kapwa menor-de-edad.

Base sa ulat ng pulisya, ang apat na suspek ay naaktuhan na nagsa-shabu session sa bahay ni De Vera at nakumpiskahan ng 5 gramo ng shabu at gamit sa droga.

Ang dalawang estudyante ay naaktuhan ng guro na nagbebenta ng shabu at marijuana sa mga mag-aaral sa compound ng isang eskuwelahan sa Daraga, Albay.

Narekober ng pulisya mula sa dalawang estudyante ang ilang piraso ng pinatuyong dahon ng marijuana at plastic sachet na naglalaman ng 2.3 gramo ng shabu. (Ulat nina Cristina G. Timbang at Joy Cantos)

Show comments