Trader nilooban bago pinatay

SAN ANTONIO, Nueva Ecija – Isang may-ari ng beach resort ang iniulat na nilooban saka pinatay sa pamamagitan ng sakal ng tatlong kalalakihan habang ang biktima ay natutulog sa sariling bahay sa Barangay Hulo sa bayang ito kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Antonio Vasquez, 71, engineer at may-ari ng Vasquez Beach Resort sa nasabing bayan.

Isa sa mga suspek na si Robert de Leon na dating katulong ng biktima ay agad namang nadakip matapos na kilalanin ng dalawang katulong na babae.

Sa inisyal na imbestigasyong isinumite kay Police Superintendent Alfredo Framil, police chief sa bayang ito na may palatandaang sinira ang salaming bintana ng kuwarto ng biktima bago nagsipasok ang mga mandurugas.

Habang iginagapos ang biktima ay nakahingi pa ng saklolo sa kanyang dalawang katulong kaya napilitang sakalin hanggang sa mapatay.

Bandang alas-2 ng madaling-araw nang marinig naman ng dalawang katulong na sina Gaudiosa Piñero at Merlinda Gantalao ang saklolo ng biktima kaya tinungo, ngunit pagpasok sa kuwarto ay tinutukan agad sila ng baril kaya hindi na nakapalag. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments