Batay sa ulat na ipinarating ni Major Gen. Alberto Braganza, Chief ng Armys 7th Infantry Division (ID), dakong alas-7:00 ng umaga nitong Huwebes nang magbakbakan ang Armys 71st Infantry Battalion (IB) at ang grupo ng armadong rebelde nang magpang-abot sa Sitio Nalagarian, Brgy. Puncan, Lomboy Bukid sa nasabing bayan.
Agad na nagkaroon ng mainitang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig na tumagal ng ilang minuto.
Nakatakas ang grupo ng mga rebelde bitbit ang mga sugatan nilang kasamahan patungo sa direksiyon ng kagubatan.
Magugunita na ang nasabing grupo ng mga rebelde na pinamumunuan ng isang kinilalang Ka Danny ang itinuturong responsable sa panununog ng Baliuag Transit na patungong Maynila sa naturang lalawigan kamakailan dahilan sa pagtangging magbayad ng revolutionary tax.
Nabatid na una ring nasangkot ang nasabing grupo sa panununog ng isa ring pampasaherong bus sa Tarlac noong Hunyo 8.
Patuloy naman ang isinasagawang pursuit operations sa naturang grupo ng mga rebeldeng NPA. (Ulat ni Joy Cantos)