Iprinisinta sa mga mamamahayag ang mga suspek na sina Judge Luisito T. Adaoag ng Gerona, Tarlac Municipal Trial Court at PO3 Eduardo Galicia ng Gerona police station.
Base sa ulat ni Atty. Edmund Arugay, hepe ng NBI-NCR, ang pagkakadakip sa dalawa ay naganap sa loob mismo ng sala ng nasabing hukom noong Hunyo 11, 2003.
Bago pa isagawa ang entrapment operation laban sa dalawa ay nagpalabas ng warrant of arrest si Judge Adaoag kaya dinakip ng pulisya si Desiree Legario sa Quezon City sa kasong BP22 (Anti-Bouncing Check Law) base na rin sa reklamo ni Gloria Peralta.
Dinala si Legario sa Gerona, Tarlac para ikulong at noong Mayo 11, 2003 siya ay nagpiyansa ng P6,000 ngunit hindi pinalaya dahil sa hindi pinirmahan ni Judge Adaoag ang release order.
Sa ulat ng NBI, tinawagan ni PO3 Galicia si Legario na maghanda ng P3,500 para pirmahan ng suspek na hukom ang release order. Naibigay naman ang hinihingi ni PO3 Galicia na pinaniniwalaan naman na napunta ang P2,000 sa nasabing hukom at ang P1,500 ay sa suspek na pulis.
Noong Mayo 20, 2003 ay tinawagan ni Judge Adaoag si Legario at humiling ng P20,00 para ibasura ang kanyang kaso sa itinakdang pagdinig noong Hunyo 10, 2003.
Dito na humingi ng tulong si Legario sa mga tauhan ng NBI-NCR at naisagawa ang entrapment sa sala ng nasabing hukom. (Ulat ni Danilo Garcia)