Sa ginawang pagbubulgar ni 2nd district board member Vicente Alcala, may anomalya sa pagpapagawa ng dalawang E-type school building na proyekto ng lokal na pamahalaan kung kayat hindi muna ito maipapagamit sa mga estudyante sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 16, 2003.
Sinabi ni Alcala na wala pang approval at notice to proceed mula sa Quezon provincial board ang nasabing proyekto subalit kataka-takang naisagawa rin ito at ngayon ay malapit ng matapos.
Lumalabas na wala rin umanong proper bidding sa naturang proyekto at nai-award ito sa dalawang construction company na kilalang malapit kay Governor Wilfrido Enverga, ayon kay Alcala.
Nabatid na naibigay ang proyektong kinapapalooban ng 8 silid-aralan sa Lutucan National High School sa Lucban Construction habang ang Claro Jose Construction ang sinasabing nagsagawa ng proyekto sa Gumaca National High School.
Nagkakahalaga ng P4M ang bawat isang E-type school building at ang pondong ipinagpagawa dito ay nanggaling sa provincial school board.
Dahil dito ay umapela ang 100 guro sa dalawang paaralan sa pamumuno ni Agnes da Silva sa Sangguniang Panlalawigan upang magamit ang dalawang gusali.
Mga estudyante ang mahihirapan sakaling hindi ipagamit ang dalawang gusali, mapipilitan ang dalawang paaralan na pagkasyahin ang mahigit sa 100 estudyante sa isang classroom. (Ulat ni Tony Sandoval)