Kagawad tepok sa ambush

SAN PASCUAL, Masbate – Tinambangan at napatay ang isang 40-anyos na barangay kagawad ng tatlong armadong kalalakihan habang ang biktima ay naglalakad patungo sa niyugan sa Sitio Sulok, Barangay Mabuhay sa bayang ito kahapon ng umaga.

Labinsiyam na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Noel Premista ng Sitio Taberna sa bayang ito, samantala, dalawa sa tatlong suspek na sina Clemente Atacador, 25, at Hermie Delasala ay tumakas sa hindi nabatid na direksyon.

Napag-alaman sa impormasyon nakalap ng pulisya na ang lupaing may tanim na niyog at pag-aari ng biktima ay inaangkin ng mga suspek.

Naitala ng pulisya ang krimen bandang alas-7 ng umaga habang ang biktima ay naglalakad patungo sa kanyang sinasakang niyugan sa naturang lugar.

Bago pa maganap ang krimen ay nakatatanggap na ng pagbabanta ang biktima, ngunit hindi naman nito pinapansin hanggang sumalakay si kamatayan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments