23-anyos dedo sa pinsan

CANDELARIA, Quezon Isang 23-anyos na mister ang iniulat na napatay ng kanyang pinsan makaraang saksakin ng huli dahil sa pulutan habang nag-iinuman ng alak sa Barangay Malabanban Norte sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Duguang bumulagta ang biktimang si Mario Ramos, may asawa, samantala, sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Anthony Casayuban, 22, may asawa, janitor sa Manuel S. Enverga University Foundation at kapwa residente ang naturang barangay.

Base sa ulat ng pulisya, magkasamang nag-iinuman ang dalawa at ilang kaibigan nang sitahin ng biktima ang kanyang pinsan dahil sa malakas mamulutan.

Napahiya ang suspek sa tinuran ng kanyang pinsan kaya bumunot ng patalim at inundayan ng saksak sa kaliwang dibdib na ikinasawi agad nito. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments