Preso patay sa mga jailgurad

CAMP PANTALEON GARCIA, Cavite Nalalagay ngayon sa balag ng alanganin ang apat na provincial jail guard makaraang barilin sa ulo at mapatay ang isang preso na kanilang binabantayan pabalik ng kulungan kamakalawa ng hapon sa Barangay Janalera, General Trias, Cavite.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital si Juan Taghoy, may asawa, nakulong sa Cavite provincial jail sa kasong rape at residente ng Silang, Cavite, samantala, nakilala naman ang dalawa sa apat na jail guard na sina Marcelo Moso at Arnel Ancero.

Base sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 Victorino Patam, katatapos pa lamang na bistahan sa Silang Municipal Trial Court si Taghoy nang isakay ng mga jail guard sa provincial jail vehicle (SEU-309) na nakaposas.

Habang binabagtas ang kahabaan ng nasabing barangay ay nagtangkang tumakas si Taghoy mula sa nakakandadong sasakyan kaya napilitang barilin sa ulo.

Hindi naman naniniwala ang ilang nakasaksi sa pangyayari sa tangkang pagtakas ni Taghoy dahil sa nakaposas ito at napapaligiran pa ng mga guwardiya sa loob ng nakakandadong sasakyan kaya patuloy ang imbestigasyon sa naturang kaso. (Ulat ni Cristina G. Timbang)

Show comments