Kinilala ni Col. Bonifacio Ramos, 103rd Army Brigade Commander ang napatay na bandido na si Mauran Ampul alyas Bashirul Ampul.
Sinabi ni Ramos na si Ampul ay kanang kamay ni ASG Commander Hamsiraji Sali na may patong sa ulong P150,000 na naitaas sa P1-M kapalit ng kaniyang ikadarakip.
Nabatid na si Ampul ay nadakip matapos makasagupa ng mga sundalo ang grupo nito dakong alas-3 ng hapon kamakalawa sa ilang minutong palitan ng putok sa Lower Kapayawan, Isabela City, Basilan.
Gayunman habang ini-eskortan ng militar patungo sa headquarters ng 103rd Brigade ay nagtangka itong tumakas at nanlaban pa sa tumugis na tropa ng pamahalaan kaya napaslang.
Sinabi naman ni Phil. Army Spokesman Lt. Col. Joselito Kakilala na si Ampul ay sangkot sa pagdukot kay Fr. Cerilo Nacorda, Dr. Danilo Barandino at ng pamilya nito noong 1993-1994; pagdukot sa mga estudyante, guro at paring si Fr. Rhoel Gallardo noong Marso 2000.
Ang grupo rin ni Ampul ang itinuturong sangkot sa pagdukot sa 20 katao sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong Mayo 27, 2001 kabilang sina American missionary Gracia at Martin Burnham. (Ulat ni Roel Pareño at Joy Cantos)