Ayon kay Phil. Army Spokesman Lt. Col. Joselito Kakilala, bandang alas-9:30 ng umaga nang salakayin ng mga tauhan ng Armys 24th Special Forces Company (SFC) ang masukal na bahagi ng Brgy. Kumalarang sa lungsod na kinaroroonan ng nasabing arms cache ng grupo ni ASG Commander Hamsiraji Salih bunsod ng tip ng mga asset nilang sibilyan.
Kabilang sa narekober ng mga sundalo ay 20 metrong haba ng electrical wire, isang electrical tape, 20 piraso ng baterya at 12 mga botelya na gamit sa paggawa ng eksplosibo.
Gayunman, hindi natagpuan sa nasabing lugar si Salih na pinaniniwalaang mabilis na nakapuslit kasama ang mga armado nitong tauhan matapos na maramdaman ang presensiya ng tropa ng pamahalaan.
Patuloy naman ang isinasagawang operasyon ng Task Force Comet laban sa nalalabi pang puwersa ng ASG kaugnay na rin ng palugit na hanggang ika -28 ng Mayo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para durugin ang puwersa ng mga bandido. (Ulat ni Joy Cantos)