Batay sa ulat, bandang alas-11:45 ng umaga naganap ang engkuwentro habang nagsasagawa ng combat patrol ang mga elemento ng Armys 58th Infantry Battalion sa Barangay Balintad at Barangay Panggao sa nasabing bayan.
Nabatid na habang sinusuyod ng mga sundalo ang lugar ay nakasagupa nila ang hindi pa mabilang na armadong MILF rebel habang umaaligid sa lugar.
Agad nagpalitan ng putok ang dalawang puwersa nang magpang-abot na tumagal ng mahigit isang oras ang engkuwentro.
Napilitang tumakas ang mga rebelde patungo sa ibat ibang direksyon matapos na maramdaman nilang nadedehado na sila sa bakbakan.
Dahil dito, nagawang masakop ng mga sundalo ang satellite camp ng mga rebelde.
Nabatid na ang nasabing kampo ay binubuo ng 10 bunkers na may kalakip na foxholes, running trenches at isang defense outpost.
Agad pinasok ng mga sundalo ang kampo at narekober din nila ang mga bala ng M14 rifle at 40mm Howitzer kung saan nagsitakas ang mga rebeldeng MILF sa takot na masukol sa bakbakan.
Kasunod nito, pinasabog naman ng MILF ang tulay ng Dalama na nag-uugnay sa bayan ng Munai at Poblacion.
Ang pagpapasabog ng tulay ay ginawa upang pabagalin ang tropa ng militar na magtungo sa bayan ng Maigo, Kauswagan, Linamon at Balo-i. (Ulat nina Joy Cantos at Bong D. Fabe)