4 NPA patay, 8 sugatan sa bakbakan

COTABATO CITY Umaabot sa apat na rebeldeng New People’s Army ang kumpirmadong napatay, samantala, walo naman ang nasugatan makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa kagubatan ng Banga, South Cotabato kamakalawa.

Sinabi ni Major General Generoso Senga, commander ng Army’s 6th Infantry Division, bago pa maganap ang engkuwentro ay nakatanggap ng impormasyon ang tropa ng militar na may mga armadong kalalakihan sa Barangay Lam-apos, Banga na nanghihingi ng revolutionary tax sa mga residente.

Agad na tinungo ng tropa ng 27th Infantry Battalion ang nasabing lugar, ngunit hindi pa sila nakakalapit ay sinalubong na ng sunud-sunod na putok.

Kahit ilan ang mga kawal na nagresponde ay nagawa nilang gumanti na ikinasawi ng apat na rebelde hanggang sa umatras ang grupo ng makakaliwang kilusan.

Kinumpirma naman ng mga residenteng nakasaksi sa bakbakan na apat sa mga rebelde ang nasawi at binitbit ng kasamahang umaatras.

Lima sa walong sugatang rebelde ay nakilalang sina Fernan, Dodong, Santiago, Boboy at Santillan na isinasangkot sa pagnanakaw ng mga hayop sa bayan ng Bangan, Surallah at Tiboli, South Cotabato. (Ulat ni John Unson)

Show comments