Sa inihain sa Ombudsman ng NBI-STF at ng Aleman na si Reimer Wermer, 44, laban kay Villaruz, napag-alaman sa isinumiteng dokumento nito na may mga pangalang "Jack" at "Salva" ang lumilitaw na sanay nakibahagi ng tig-P30,000 sa P275,000 na bribe money sa bawat isa sa apat na imported luxury vehicles na ipinalalabas sa Freeport.
Dito napag-alaman kay Wermer na ang dalawang opisyal ng Customs ay binabanggit na sina Customs Assessment Department Chief Jack De Las Alas at si Deputy Customs Collector Andres Salvacion ng BoC-Port of Subic.
Subalit sa pakikipanayam sa telepono ng PSN sa dalawang isinasangkot, mariing pinabulaanan ng dalawang customs officials ang akusasyon ni Wermer sa kanila dahil wala anya silang kinalaman sa naganap na suhulan para mailabas sa Freeport ang apat na unit na imported BMW na pag-aari ni Wermer.
"Walang basehan si Wermer upang kami ay akusahan niya dahil una ay hindi siya namin kilala ng personal at hindi namin siya nakakausap at kung ano man ang dahilan sa pag-akusa niya sa amin ay hindi namin alam," pahayag ni De Las Alas sa PSN. (Ulat ni Jeff Tombado)