Batay sa ulat, tinatayang umaabot sa P2 milyong ari-arian ang napinsala sa insidente matapos na bumagsak ang KV 138 at transmission tower 43 ng Napocor na matatagpuan sa bisinidad ng Laguda plantation sa Brgy. Saging, Makilala.
Napag-alaman na unang narinig ng mga residente ang malakas na pagsabog dakong alas-12:15 ng madaling-araw at nasundan pa pagkalipas ng ilang minuto.
Mabilis namang nagresponde sa nasabing lugar ang magkakasanib na elemento ng Explosives Ordnance Team ng pulisya at Phil. Army pero hindi na inabutan ang mga rebelde.
Narekober sa pinangyarihan ng pagsabog ang dalawang hindi pa sumasambulat na bomba na mayroong 400 gramo ng anzomex primer na nababalutan ng 42 talampakang haba ng detonating cord.
Lumilitaw sa pangunang imbestigasyon na bago naganap ang pagsabog ay ilang kahina-hinalang kalalakihan ang namataang lumiligid sa lugar.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso habang puspusan din ang pagtugis sa mga rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)