Sinabi ni Lt. Col. Renoir Pascua, tagapagsalita ng Armed Forces Southern Command, ibinase nila ang bilang ng nasawing Sayyaf sa ulat ng mga Army sniper mula sa 103rd Army Brigade na nanguna sa sagupaan.
Pinaniniwalaan namang nahati sa maliliit na grupo ang mga tauhan ni Khadaffi Janjalani matapos na makapuslit sa isinagawang opensiba ng militar sa katimugang Basilan, ayon sa ulat ng militar.
"Ilan sa mga bandidong Abu Sayyaf na nakipagsagupaan sa militar ay pinatumba ng mga sniper at airstrikes," dagdag pa ni Pascua.
Samantala, dalawa sa panig ng militar ay napatay habang tatlo pa ang nasugatan at pansamantalang hindi muna inihayag ang mga pangalan.
Ayon pa sa ulat ng mga opisyal ng militar, inokupa na ng mga kawal ng Phil. Army ang pinagkukutaang bunker sa naturang isla matapos na iniwan ng mga bandido.
Hindi naman matukoy ng militar ang kinaroroonan ng mga bandido kaya inalerto ang awtoridad sa baybaying-dagat ng Basilan at Sulu para makasiguro na hindi makalalayo ang grupo ni Janjalani.
Walang kumpirmasyon ang pulis-Basilan sa napaulat na anim na sibilyan ang napatay sa engkuwentro habang nangangalap na ng impormasyon sa militar.
Naglunsad ng malawakang operasyon ang tropa ng militar makaraang makatanggap ng impormasyon sa presensya ng mga tauhan nina Janjalani at Isnilon Hapilon na nagkukuta sa Pilas Island mula sa Sulu. (Ulat nina Joy Cantos at Roel Pareño)