2 preso nag-suicide

SAN FABIAN, Pangasinan – Dalawang preso ang iniulat na nag-suicide sa pamamagitan ng pagbigti sa loob ng kanilang selda noong Martes at Sabado.

Kinilala ng pulisya ang mga nag-suicide na sina Ronnie Ramos, 35, ng Barangay Cayanga sa bayang ito at Roberto Salazar, 36, ng Barangay Lomboy, Binmaley.

Ayon sa pulisya, si Ramos ay ipinakulong ng kanyang live-in partner na si Teresita Rodriguez sa kasong physical injury.

Nadiskubre ang katawan ni Ramos na nakabitin ng nylon cord sa rehas na bakal noong Sabado ng gabi at isinugod pa sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City pero idineklarang patay.

Samantala, si Salazar naman ay natagpuang nakabitin sa loob ng kanyang selda noong Martes at naisugod pa sa Stella Maris Hospital pero hindi na umabot pa ng buhay.

Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na si Salazar ay iniulat na kinasuhan dahil sa panununog ng traysikel pero hindi naniniwala ang asawa nito na nag-suicide ang biktima kaya humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malalim na pagsisiyasat. (Ulat ni Eva Visperas)

Show comments