Ang isa sa mga nasawing ASG member ay nakilalang si Abdul Rauf Ladjamantli habang ang isa pang napaslang na bandido ay hindi nakilala dahil sa sunog na katawan nito.
Ayon sa ulat ng militar, bandang alas-5:00 kamakalawa ng hapon nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng PNP at AFP ang hide-out ng mga bandido sa Sta. Teresita compound para ihain ang search warrant.
Nanlaban ang mga ASG matapos mamataan ang mga sundalo at pulis hanggang sa tumagal ang labanan ng 7 oras.
Apat na pulis at isang sundalo naman ang nasugatan sa naganap na engkwentro sa pagitan ng ASG at mga awtoridad.
Sinunog pa ng isang ASG ang kanilang hide-out saka nagsitakas ang mga ito.
Sinasabing may patong sa ulong P150,000 reward si Ladjamantli dahil sa pagkakasangkot nito sa Ipil massacre noong 1995.
Ang nasabing hideout ay pinaniniwalaang pinagtataguan din ni ASG Commander Isnilon Hapilon subalit wala ito ng salakayin ng mga awtoridad ang nasabing lugar. (Ulat nina Roel Pareño at Joy Cantos)