Misis tinodas sa harap ng 3 anak

CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Posibleng matinding selos ang naging ugat ng kamatayan ng isang 37-anyos na misis makaraang pagbabarilin ng sariling asawa sa harap ng kanilang tatlong anak na paslit sa sariling bahay sa Sitio Singkamas, Barangay Sta. Cruz, San Pascual, Masbate kamakalawa ng gabi.

Tatlong bala ng kalibre .45 baril ang tumapos sa buhay ni Avelina Bringuez, samantala, ang suspek na si Juan Bringuez, 36, magsasaka ay agad na tumakas matapos isagawa ang krimen bandang alas-10:30 ng gabi.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng pulisya, habang nag-iinuman ng alak ang suspek at ilang kaibigan ay nakaabot sa kanyang kaalaman na may nanliligaw sa kanyang asawa kaya mabilis na umuwi at kinompronta naman si misis.

Ayon sa ilang kapitbahay , lango sa alak nang pumasok ng kanilang bahay ang suspek at nagkaroon nang sigawan hanggang sa umalingawngaw ang tatlong malalakas na putok ng baril at iyakan ng tatlong bata hanggang sa madiskubreng patay na nakabulagta ang biktima.

May teorya ang pulisya na hindi matanggap ng suspek ang paliwanag ng kanyang misis tungkol sa naturang isyu kaya pinatahimik. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments