Sa report na tinanggap ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane, kinilala ang napaslang na lider ng mga bandido sa alyas lamang nitong Commander Ngan.
Nakilala naman ang nasugatang pulis na si PO3 Rolando Lara, nakatalaga sa Sarangani Provincial Police Office (PPO) na kasalukuyan ngayong nilalapatan ng lunas sa Glan Emergency Hospital dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa kaliwang kilay.
Nabatid na sumiklab ang engkuwentro dakong alas 4:10 ng madaling araw nang magpang-abot ang may 15 armadong bandido at ang magkakasanib na elemento ng Sarangani PPO at Glan Municipal Police Station (MPS) sa masukal na bahagi ng Sitio Lamod, Brgy. San Jose sa bayan ng Glan.
Ditoy agad na nagkaroon ng mainitang pagpapalitan ng putok na tumagal ng may 30 minuto na ikinasawi ni Commander Ngan at ikinasugat ng pulis na si Lara.
Napilitan namang magsitakas ang mga miyembro ng mga rebelde matapos masawi ang kanilang pinuno na naghiwa-hiwalay ng direksyon sa kagubatan.
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang 12 gauge shotgun, isang HM M16 pistol, isang pouch na naglalaman ng mga bala para sa cal 5.56 MM at isang 12 gauge shotgun. (Ulat ni Joy Cantos)