Abogado patay sa ambush

CAMP CRAME – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang abogadong Tsinoy ng dalawang hindi kilalang lalaking naka-motorsiklo habang ang biktima ay naglalakad sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay Kasambagan, Cebu City, ayon sa ulat kahapon.

Duguang bumulagta ang biktimang si Atty. Edward Uy, 51, may asawa at residente ng 45 Roxas St. ng nabanggit na barangay.

Wala namang lumantad na saksi sa naganap na pananambang bandang alas-8 ng gabi sa panulukan ng President Roxas St. at Magsaysay St. ng naturang lugar.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, inabangan ng mga killer na naka-motorsiklo ang biktima saka isinagawa ang pamamaslang.

May teorya ang mga awtoridad na may kinalaman ang krimen sa hinahawakang mga kaso ng biktima. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments