Ang mga suspek na kapwa tubong Marantao, Marawi City, Mindanao ay nakilalang sina Eric Munto, 27 at Daya "Michael" Omadan, 22 at residente ng Block 14 Lot 29 Monrovia Street, Sta. Rosa, Laguna.
Tumangging ibulgar ng dalawa ang pinagmulan ng tatlong kilong shabu na pinaniniwalaang ipakakalat sa Cavite at Laguna.
Sa nakarating na ulat kahapon kay P/Chief Supt. Enrique Galang Jr., CALABARZON regional director, nakipaghabulan ang dalawa sakay ng kotse sa pulisya makaraang umiwas sa itinayong checkpoint.
Nakorner ng mga awtoridad ang kotseng Mitsubishi Lancer na kulay pula at walang plaka ng mga suspek bandang alas-11:30 ng gabi at hindi na nakuha pang pumalag.
Napag-alaman pa sa ulat ng pulisya na hindi inakala ng mga tauhan ni P/Chief Insp. Ramil Montilla, chief of police ng bayang ito na may dalang droga ang mga suspek.
Sa pagtatanong ng pulisya sa dalawa habang kinakapkapan kung may dalang baril, ngunit walang makuha pero sa pag-aakalang may itinatago ay binuksan ang likurang bahagi ng kotse at bumulaga ang mga plastic na naglalaman ng tatlong kilong shabu. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)