Sinabi ni P/Senior Supt. Sangacala Dampac, city police director, si Abdulkadir Candao na kilala sa tawag na Datu Peping sa Maguindanao ay patungo sa Notre Dame University upang ihatid ang anak nang biglang sumulpot ang nakamotorsiklong itim sabay na pinaputukan ang Isuzu Highlander ng biktima.
Nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan ang anak ni Datu Peping sa naganap na pananambang dakong alas-6:45 ng umaga ngunit minalas na tamaan ng bala ng baril sa ulo ang biktima na ikinasawi nito.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya na paglabas pa lamang ng sasakyan ng mag-ama sa kanilang bahay ay may sumusunod na nakamotorsiklo.
Pagdating sa intersection ng naturang lugar malapit na sa nabanggit na unibersidad ay biglang nag-overtake ang itim na motorsiklo at nagsimulang magpaputok na ikinasawi ng biktima.
Si Abdulkadir ay pioneer commander ng Moro National Liberation Front (MNLF) at naging kapitan ng Phil. Army makaraang sumuko sa pamahalaan noong 1970s.
Sinabi ni dating Maguindanao Governor Zacaria Candao na ang krimen ay gawa ng professional killers at dahil sa citywide restriction na magdala ng baril ay walang armas ang kanyang nakatatandang utol at security escorts. (Ulat nina John Unson at Danilo Garcia)