Kinilala ang mga kidnaper na napatay sa pakikipagbarilan na sina Burgo at Bashier Guiamadel at isang nagngangalang Sabatin na pawang tauhan ni Alonto, lider ng notoryos Pentagon kidnap-for-ransom gang at may patong sa ulo na P5-milyon.
Narekober ng 6th Infantry Divison ng Philippine Armys Task Force Tugis sa napatay na 3 Pentagon gang, ang 20 kilong pulburang ginagamit sa paggawa ng bomba at 3 mortars.
Unang naganap ang bakbakan sa kagubatang sakop ng Barangay Libpas, North Cotabato.
Nakubkob naman ng tropa ng 37th Infantry Battalion ang kuta ng mga kidnaper sa Brgy. Marader, Talayan, Maguindanao.
Kabilang sa nakumpiska ng militar mula sa anim na bahay na inabandona ng mga tauhan ni Alonto ang dalawang radyo, 2 VHS aerial radio antenna at cellular phone signal extender antenna.
Napag-alaman kay North Cotabato Governor Emmanuel Piñol na namataan ng mga tauhan ni Mlang Mayor Luigi Cuerpo ang mga kidnaper sakay ng motorsiklo patungong Barangay Dungguan.
Kaagad na naglagay ng checkpoint ang tropa ng militar sa daraanan ng mga kidnaper upang malambat subalit natunugan kaya humantong sa barilan.
Nakuha sa bulsa ng mga kidnaper ang tatlong granada, submachine gun at listahan ng mga negosyante sa North Cotabato na pinalalagay na puntiryang dukutin. (Ulat ni John Unson)