Ang nakatakas umanong Chinese trader ay nakilalang si Alex Chua, 41, may-asawa, tubong Fookien, China, may-ari ng isang bihon factory sa Canumay, Valenzuela City at nakatira sa St. Michael homes subdivision, Meycauayan, Bulacan.
Ayon sa salaysay ni Chua sa pulisya, dinukot umano siya ng apat na hindi niya nakilalang mga Chinese nationals noong Jan. 7 bandang alas-7 ng gabi sa harap ng kanyang bahay sa Meycauayan.
Nilagyan umano siya ng piring sa mata matapos siyang dukutin ng mga armadong lalaki kaya hindi niya alam kung saan siya dinala ng mga ito.
Humihingi umano ng ransom ang mga kidnappers sa pamamagitan ng pagtawag ng mga ito sa maybahay ni Chua at twin brother nito na pawang nasa Fookien, China kapalit ng kalayaan ng negosyante.
Nitong nakaraang Huwebes bandang alas-2 ng hapon ay nagawa umanong makatakas ni Chua mula sa kanyang mga bantay hanggang sa sumakay ito ng pampasaherong jeep at sumakay muli ng FX taxi hanggang sa makakita siya ng mobile patrol car sa may McArthur highway, Dalandanan, Valenzuela City.
Humingi ng tulong si Chua, na noon ay nakaposas pa ang kaliwang kamay, sa mga awtoridad hanggang sa matuklasan na kidnap victim ito at may dalawang linggo na umanong nawawala matapos dukutin ng mga armadong kalalakihan.
Iginiit ni Chua sa mga awtoridad na nakatakas lamang siya sa mga dumukot sa kanya at hindi umano nagbayad ng ransom ang kanyang maybahay at kapatid para sa kanyang kalayaan. (Ulat ni Rudy Andal)