Japanese trader kinidnap

CAMP CRAME Isang Japanese trader ang dinukot ng sampung armado at maskaradong kalalakihan matapos pasukin ang tahanan nito kamakailan sa Surigao del Sur.

Ang kinidnap ay nakilalang si Hazumitsu Hashiba, 48-anyos, seafood trader at nakatira sa Barangay Bunga, Lanuza, Surigao.

Ayon sa natanggap na report ng Camp Crame, bandang alas-7:30 ng gabi noong Huwebes nang pwersahang pasukin ng may 10 armado at maskaradong kalalakihan ang tahanan ng Japanese national.

Pilit din umanong isinasama ng mga kidnaper ang isa sa mga anak ng Hapones subalit nakiusap ang negosyante na siya na lamang ang kidnapin ng mga ito at huwag ng idamay ang kanyang pamilya hanggang sa si Hashiba na lamang ang sapilitang isinakay ng mga suspects sa nakaparadang kotse ng Japanese trader.

Humihingi umano ang mga kidnaper ng 7.5 milyong Yen o P3 milyong ransom kapalit ng kalayaan ng Japanese national.

Ipinabatid na ito ng maybahay ni Hashiba na si Emily sa kanyang mga biyenan na nasa Tokyo, Japan.

Inaalam naman ng pinagsanib na pwersa ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army at Police Anti-Crime Emergency Response (PACER)-Mindanao kung grupo ng NPA na humihingi ng revolutionary tax o kidnap-for-ransom syndicate ang responsable sa pagdukot sa Japanese national.

Nabawi naman ng mga awtoridad ang sasakyan ni Hashiba sa Surigao del Norte sa isinagawang follow-up operations. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments