Bungo ng DPA nabawi sa mga naglalarong bata

Antipolo City – Isang bungo ng pinaghihinalaang Deep Penetration Agent (DPA) ng militar ang nabawi ng pulisya mula sa mga naglalarong bata kahapon sa lungsod na ito.

Ayon kay Sr. Inspector Noel Ragotero, PCP 3 commander ng Antipolo police, bandang alas-11:00 ng umaga habang nagpapatrulya ang pulisya ng mapansin nilang isang bungo ng tao ang pinaglalaruan ng mga bata sa Block 38 Phase 1, Bagong Nayon 2 sa Barangay San Isidro.

Kinuha ng pulisya ang nasabing bungo at dinala sa himpilan ng pulisya upang imbestigahan kung ito ay kabilang sa mga naging biktima ng summary execution ng NPA sa kasagsagan ng insureksyon noong dekada 80.

Hindi pa rin mabatid ng mga awtoridad kung ang nabawing bungo ay pag-aari ng isang lalaki o babae pero pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ito ay pinatay ng mga NPA matapos mapaghinalaang DPA ng militar saka inilibing sa kanilang mass grave sa lalawigan ng Rizal kung saan ay matagal itong naging balwarte ng kilusang komunista. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments