Vice-mayor idiniin sa murder

ILIGAN CITY, Isabela – Nalalagay ngayon sa balag ng alanganin at may posibilidad na mahatulan ng bitay ang vice mayor ng Cagayan at anak nitong pulis makaraang idiin ng bagong testigo ang mag-ama sa pagkakapatay sa apat na sibilyan noong Nobyembre 7, 2002 sa Santa Maria, Isabela.

Sa ginawang pahayag ni P/Sr. Supt. Nelson Nario, provincial police director na ang testigo na ngayon ay nasa custody ng Department of Justice (DoJ) na positibong idiniin sa kasong murder sina Vice Mayor Loreto Alipio Sr. ng Buguey, Cagayan at anak nitong si SPO2 Alipio Jr.

Inamin ng bagong testigo na si Orlando Ligsay na narinig niyang ipinag-utos ni Vice Mayor Alipio Sr. sa kanyang anak at pamangking si PO1 Jofel Alipio, Army Corporal Edgar Alipio at driver na si Rogelio Lagasca na itumba ang pamilya Castillo na kinabibilangan nina Rolando, Nestor, Louie at Rofel.

Himala namang nakaligtas sa ambus si Rofel at itinuro naman si Alipio Jr. na isa sa mga bumaril sa kanila sa kahabaan ng national highway noong Nobyembre 7 na ikinasawi rin ng kanilang driver na si Fidel Susa.

Si Alipio Jr. kasama ang apat pang gunmen ay kinasuhan na ng four counts of murder at frustrated murder sa Cabagan Regional Trial Court, samantala, si Alipio Sr. naman ay kinasuhan ng accesory sa krimen.

Sinabi pa ni Nario na isinailalim na si Ligsay sa Witness Protection Program (WPP) ng DoJ.

Pinabulaanan naman ni Alipio Sr. ang akusasyon laban sa kanya na ngayon ay pansamantalang nakalalaya dahil sa P450,000 piyansa bagkus ay ibinaling nito ang naganap na krimen sa kalabang politiko. (Ulat ni Charlie Lagasca)

Show comments