Kinilala ang mga biktimang sina SPO3 Jaime Fortes, 42, may asawa at kagawad ng pulisya sa bayan ng Irosin, Sorsogon at SPO3 Ahamadul Hawari ng 1509th PNP Mobile Group sa Sulu Provincial Police Office.
Base sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, si Hawari ay tinambangan kamakalawa ng hapon ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang nagmomotorsiklo sa kahabaan ng kalsada na sakop ng Barangay Bualo Lipid, Maimbong, Sulu.
Napag-alaman pa sa ulat na duguang nakabulagta na ang biktima ay binistay pa ng bala ng baril upang makatiyak na patay na si Hawari.
May posibilidad na matinding alitan ang motibo ng pamamaslang sa biktima.
Samantala, si Fortes naman ay inambus ng mga rebeldeng New Peoples Army (NPA) habang nag-iigib ng inuming tubig malapit sa kanilang bahay sa Sitio Cavite, Barangay Cariedo, Irosin, Sorsogon kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Raul Valeriano, hepe ng pulisya sa bayan ng Irosin, naitala ang pananambang bandang alas-6 ng umaga.
Palakad namang tumakas ang mga rebelde na animoy walang nangyaring krimen at dahil na rin sa takot ng mga nakasaksi ay nagsawalang kibo na lamang saka ipinagbigay alam sa mga awtoridad ang pangyayari. (Ulat nina Danilo Garcia at Ed Casulla)