Jeep bumaligtad: Mag-ina, apo patay

LIGAO CITY, Albay – Kumpirmadong nasawi ang mag-iina sa naganap na aksidente makaraang bumaligtad ang sinasakyang pampasaherong jeep sa kalsada na sakop ng Barangay Nasisi sa lungsod na ito kahapon ng umaga.

Naipit sa ilalim ng sasakyan ang mag-iinang nasawi na sina Gloria Ariola, 52, Rowena Borral, 25, may asawa at anak nitong si John Borral, 3, na pawang residente ng Barangay Basag sa nabanggit na lungsod.

Sugatang isinugod naman sa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital ang drayber na si Norlito Quiped, 27, may asawa at naninirahan sa Barangay Basag.

Napag-alaman sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang aksidente bandang alas-onse ng umaga habang ang jeep (UKJ-772) ay bumabagtas sa malubak na kalsada.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nawalan ng kontrol ang jeep pagdating sa pakurbadang kalsada kaya bumangga sa matigas na bato bago bumaligtad.

Nagkalat naman ang lulan na iba’t ibang gulay at manok na lulan ng jeep habang ang mga biktima ay napisak sa ilaim ng sasakyan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments