Amain tinaga ng senglot na anak, todas

BALUD, Masbate – Isang 41 anyos na lalaki ang walang awang pinagtataga hanggang sa mapatay ng kanyang step son matapos pagtalunan ang kapirasong lupa na kanilang sinasaka kamakalawa ng hapon sa Brgy. Tunga ng bayang ito.

Ang nasawi ay nakilalang si Jos Ricky Zulueta, may-asawa, magsasaka habang ang suspek na agad tumakas ay nakilalang si Romeo Abenir, 23, binata na kapwa residente ng nasabing lugar.

Batay sa ulat, dakong alas-4 ng hapon ay naghahanda ng hapunan ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na lango sa alak at nagwawala.

Sinabihan ng biktima ang suspek na maging mahinahon at matulog na lamang at kinabukasan na lamang pag-usapan ang problema nila sa lupa.

Napag-alaman na ang lupa na sinasaka ng biktima ay minana ng suspek mula sa tunay na ama bago pa ito napangasawa ng kanyang ina.

Subalit hindi pumayag ang suspek kaya’t sa galit nito ay kinuha sa bewang ang itak at pinagtataga ang biktima. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments