Nabatid na sinimulan kamakalawa ng tanghali ang noise barrage ng mga bilanggo at ilan pa sa mga ito ang nagtangkang sirain ang main padlock ng Provincial Jail.
Tinangka ng mga guwardiya na payapain ang nasabing kaguluhan subalit pinagbabato ng mga bote na ikinasugat ng 3 sa mga ito.
Mabilis na nagresponde ang Daet PNP sa pamumuno ni P/Chief Insp. Virgilio Dumapias na gumamit ng water hose ng trak ng bumbero upang mapayapa ang mga ito bago pa magtagumpay sa paninira ng kandado ng main gate at makapuga.
Nabatid ng PSN na labis na nagwala ang mga preso sa kautusan ni Provincial Jail Warden Efren Arayata na ipagbawal sa mga bisitang asawang babae man o lalaki ang matulog o makapiling sa loob ng selda sa Pasko.
Hindi naman agad naipaalam sa mga bilanggo ng warden ang bagong direktiba dahil umuwi na ito sa kaniyang pamilya sa Batangas para sa Xmas holiday.
Umabot ng mahigit sa tatlong oras ang ginawang pag-iingay at sa tulong ni Provincial Administrator Nap Malalaunan na nakumbinsi ng may sampung tumatayong mayor sa loob ng Jail upang payagan ang kahilingan ng mga preso na makapiling ang kanilang asawa sa oras ng Noche Buena. (Ulat ni Francis Elevado)