SULYAP BALITA

Barko lumubog: 6 tripulante nawawala
Anim na tripulanteng Taiwanese na iniulat na nawawala ang pinaniniwalaang nilamon na ng apoy makaraang masunog at lumubog ang barkong sinasakyan ng mga biktima habang naglalayag sa karagatang sakop ng Salomangue Cabugao, Ilocos Sur kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Phil. Coast Guard, ang lumubog na barko ay pag-aari ng King Earth Shipping Marine Service Agency na may markang M/V Hai Chun Tsai na naglalaman ng sigarilyo patungo sa Vietnam.

Nakilala ang mga nawawalang biktima na sina Chen Jin Tung, Shiah Hong Hwa, Juang Jeno Yeh, Ming Jinn, Chen Chuang Tyan at Cheng Chung Fang. (Ulat ni Grace dela Cruz)
Pulis tinodas ng 10 armado
SAN JOSE, Tarlac Walang buhay na duguang bumulagta ang isang pulis, samantala, ang anak nitong lalaki ay nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang biktima ay nagmomotorsiklo para bumili ng pako patungo sa naturang bayan kahapon ng umaga.

Niratrat ang biktimang si PO3 Benhur Lactao na nakatalaga sa San Jose police station, samantala, ang anak nitong si Joven, 12, ay tinamaan ng bala ng baril sa kanang kamay at ngayon ay ginagamot sa ospital.

Mabilis namang nagsitakas ang sampung armadong rebelde matapos matiyak na patay na ang biktima bandang alas-10 ng umaga.

May palagay ang mga imbestigador na puntirya ng mga rebelde ang lahat ng pulis na matitiyempuhang nag-iisa dahil na rin sa pagdedeklara nilang walang tigil-putukan sa Kapaskuhan. (Ulat ni Pesie Miñoza)
Mister nag-suicide sa kahirapan ng buhay
USON, Masbate Dahil sa kahirapan ng buhay ay nagdesisyong mag-suicide ng isang mister sa likurang bahagi ng kanilang bahay sa Sitio Balogo, Barangay Dapdap sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na natagpuang nakabitin sa puno ay nakilalang si Jesus Capellan, 26, magsasaka, ng nabanggit na barangay.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-8 ng gabi na nakaupo sa labas ng kanilang bahay.

Napag-alaman na naikuwento ng biktima sa pamilya na hindi na nito makayanan ang kahirapan sa buhay kaya malimit maging balisa hanggang sa magdesisyong mag-suicide. (Ulat ni Ed Casulla)
Ex-CAFGU pinatay ng mga rebelde
BULAN, Sorsogon Isang dating kasapi ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) ang iniulat na tinambangan at napatay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) habang ang biktima ay naglalakad papauwi sa Barangay Beguin sa bayang ito kahapon ng umaga.

Ang biktima na binistay ng bala ng malalakas na kalibre ng baril ay nakilalang si Vicente Gepiga, 65, biyudo, magsasaka ng naturang lugar, samantala, ang dalawang rebeldeng kabataan ay palakad na tumakas matapos isagawa ang pananambang dakong alas-10 ng umaga.

Sa nakalap na impormasyon ng pulisya sa ilang malapit na kamag-anak na binalaan nila ang biktima na lumayo na sa kanilang barangay dahil sa kumakalat na balita na itutumba siya ng mga rebelde ngunit nagmatigas na manatili kaya naganap ang trahedya. (Ulat ni Ed Casulla)
Magkumpare napagtripang saksakin ng 3 senglot
BACOOR, Cavite Napagtripang pagsasaksakin ang magkumpare ng tatlong senglot na kalalakihan na ikinasawi ng isa, samantala, malubhang nasugatan ang kumpare ng napatay habang ang dalawa ay naglalakad papauwi sa Brgy. Maliksi sa bayang ito kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Jessie Jarcia, 28, binata, habang si Panchito Hilario, 45, may asawa, kapwa obrero ay ginagamot sa St. Dominic Hospital.

Samantala, nagsitakas naman ang mga suspek na sina George Ibañez, Andoy Lozada at Donald Gener na pawang residente ng Brgy. Maliksi Dos sa bayang ito.

Naitala ng pulisya ang krimen dakong ala-1 ng madaling-araw habang papauwi na ang mga biktima at nakasalubong ang tatlong senglot sa alak. (Ulat ni Cristina-Go-Timbang)

Show comments